Search This Blog

HITS

Wednesday, September 19, 2012

Jun Robles Lana's "Bwakaw" (Rebyu): Munting Ginto and the Newest Best Actress


Babala: Spoiler Alert!

Sa kabutihang palad, hindi ko napanood ang “Yesterday, Today and Tomorrow” ni Jun Robles Lana. Salamat sa payo ng mga kaibigang nadismaya na sa gasgas na uri ng pagsasalaysay ng kwento sa pelikula.  Subalit kakaiba ang “Bwakaw,” at ito na marahil ang matibay na ebidensya na minsan napipilitang lang gumawa ang isang talentadong direktor ng pelikulang bulok para magkaroon ng pagkakataon gumawa ng isang magandang obra.  Sabi nga ng isang miyembro ng "Movable Circle," kung “glossy basura” ang “Yesterday, Today and Tomorrow,” isa namang “munting ginto” ang “Bwakaw.” 


Kamakailan lang ay napili ng Film Academy of the Philippines ang pelikula bilang  opisyal na padala ng Pilipinas sa Oscar.  Kudos sa mga miyembro ng kumite na pumili. Sa aking pananaw, may iba pang mas pwedeng piliin subalit mainam na desisyon din na “Bwakaw” ang ating entry. Una, kahit ang kwento ay umiikot sa buhay ng isang matandang bakla sa isang maliit na baryo sa probinsya, hitik ang pelikula sa katototohanan ng buhay. Ika nga sa wikang Inggles, may “universal truth.” Kahit sino ka man sa mundo, makakaugnay ka sa ibig ipahiwatig ng kwento ni Rene (Eddie Garcia) at ang kaniyang asong si Bwakaw (Princess). 

Mahusay ang direksyon ni Lana. Hindi niya minadali ang pag-usad ng kwento. Hinayaan niyang makilala ng manonood ang mga karakter. Nababagay din ang bagal ng pelikula sa buhay probinsya at sa buhay ng isang matandang tila ba napag-iwanan ng panahon at pagkakataon.  Dahil dito, mas umusbong ang bawat elemento ng pelikula at lahat ay naging mas natural imbes na nag-pipilit na maging “artsy fartsy.”  Sana nga at masanay ang mga manonood na Pilipino sa ganitong uri ng pelikula.

Hindi madali ang makipagtagisan sa primyerong
aktor na si Eddie Garcia subalit hindi naman
nahuhuli si Princess bilang Bwakaw.
Use of Non-Free Media Rationale. Click Here.
Dili-hindi, mahusay ang paganap ni Eddie Garcia. Imbes na gawing stereotypical ang paganap sa isang bakla, mas nagtuon siya sa karakter. Mas naging mukhang tunay na tao si Rene imbes na karikatura.  Bukod duon, nakakaaliw rin panoorin si Gardo Versoza bilang pari.  Maikli lang ang kaniyang papel subalit malaman.  May kasabihan nga, “there’s no such thing as small parts, only small actors.”  May “something something” si Father at dahil ito sa pinong paganap ni Versoza. Bahala na ang mga manonood para alamin kung ano ang tunay na pagkatao at motibasyon ni Father. 

Napaka-Pinoy din ng pelikula.  Pinalabas ni Lana na ang pananampalataya ay isang bagay na hindi mo maalis sa mga Pilipino at walang tunggalian ang pagiging homosekswal at pagiging maka-Diyos.  Subalit hindi rin naging escapist ang pelikula at ginawang mas malapit ito sa tunay na realidad ng buhay.  Isa sa pinakapaborito ko ay ang katapusan ng pelikula, tamang-tama at hindi ito kalimitang nakikita sa nakararaming pelikulang mainstream. 

4/5
Sa wakas, dapat nating gawaran ng premyo si Princess, ang gumanap sa papel na Bwakaw. Mabuti na lang at aso si Princess imbes na tao sapagkat kung nagkataon, baka mawalan ng trabaho ang karamihan ng mga bagong batang aktres ngayon.  Mas malalim pa ata ang arte ni Princess kaysa kay Hmmm at Hmmm.  Sa katunayan, ang death scene ni Princess ata ang pinakamagandang “death scene” ng isang hayop sa pelikula.  Tahimik, makirot at kapanipaniwala ang pagpanaw ni Bwakaw. Sa mga darating na awards shows, I’d like to hear someone says, “and the winner for Best Supporting Performer, human or animal, is..... Princess for “Bwakaw!.” 

“Aw aw aw aw aw aw! Bawaw waw waw!”
 (Translation: “Thank you Direk Jun Lana, and of course, my leading man, the legendary Mister Eddie Garcia. Thank you po sa lahat ng mga fans and members of the press.”)


For new film reviews, please visit our new home, Brun Magazine

No comments:

Post a Comment