Search This Blog

HITS

Sunday, October 30, 2011

Alvin Yapan's "Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa" (Rebyu): Liriko

“Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa” ay maiihahambing sa isang liriko.  Tulad ng isang tulang liriko, pili ang mga salitang binibigkas, mahinahon ang pagbagsak ng bawat pantig  ngunit ramdam mo ang bawat paglalapat ng bawat himaymay ng damdamin.  Hindi ilalantad ang ibig sabihin ng may katha, bagkus iaalay sa iyo ang sarili para iyong angkinin ang ibig sabihin.  Nasa nagbabasa at nakikinig ang katapusan.

Kung inaakala mo na “Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa” ay isa na namang tipikal na independent film at maari mong palampasin, marami ang mawawala sa iyo bilang bagong manonood ng pelikulang Pilipino.    Kung pinalampas mo ito, siguro ay wala kang karapatang magreklamo sa kababawan ng pelikulang Pilipino.  Siguro karapat-dapat lamang na lunurin natin ang sarili sa pelikulang umani ng sandamukal na salapi ngunit walang sinasabi. 

Kakaiba “Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa,” malalim ngunit hindi nagmamayabang.  Para itong pelikulang kabilang sa dekada 70. Bukod sa lahat, may tiwala sa mga manonood. Sinasaad ng pelikula, tulad ng isang simple subalit makapangyarihang tula, na ikaw na manonood ay kailangan lamang buksan ang mga mata, puso at bigyan ang sarili ng pagkakataon na makadama.  Ikaw na manonood ang dapat umintindi sa bawat katahimakang narinirinig, sa bawat galaw ng mga aktor at sa mga minimalismong dyalogo. Ang lahat ng dapat lamang makita ay nasa harap mo, nagsasayaw, umaawit at tumutula sa balat ng pinilakang tabing.  Buksan lamang ang sarili.   

Hindi tulad ng kasalukuyang pelikulang Pilipino, umuusad ang kwento hindi dahil sa napaka-ingay at napakahabang dyalogo o sa nakakainsultong pagsasalaysay na tila ba laman na ng bawat pelikulang Pilipino ngayon.  Sa pelikulang ito, sa mga mukha, galaw at kakaunting winiwika ng mga aktor, duon mo maiintindihan ang kanilang dinarama. Duon gumagalaw ang kwento. Dahil dito, kakaibang uri ng aktres at aktor ang kinakailangan.

Bukod tangi si Jean Garcia sa kanyang mahusay na paganap na mas malapit sa pagganap ni Gong Li kaysa sinumang melodramatikong sikat na aktres.  Mas ginamit niya ang kaniyang mga mata, ang mga galaw, o ang kanyang pagtindig para isiwalat ang kasalukuyan at nakaraan ng kaniyang ginagampanan.  Nagpakita rin ng galing si Rocco Nacino. Mababatid mo na may angkin talento ang batang aktor.  May mas laman kung hindi siya nagsasalita. 

Use of Non-Free Media
Rationale. Click Here
Ang lahat ng elemento sa“Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa” ay nagbigkis upang makalikha ng isang kakaibang pelikula.  Nagsamasama na parang hibla ang mga tula nila Rebecca Añonuevo, Benilda Santos, Merlinda Bobis, Joi Barrios, Ruth Elynia Mabanglo at Ophelia Dimalanta, ang subtil ngunit madamdamin musika nila Christine Muco at Jema Pamintuan, ang sinematograpia ni Arvin Viola, ang editing ni Mai Dionisio, ang koreograpia ni Eli Jacinto, ang ang mahusay na pagganap ng karamihan sa mga aktor at aktres at ang minimalismong direksyon ni Alvin B.Yapan. 

Hindi perpekto ang pelikula, mas gaganda nga ito kung malaki lamang ang laang-gugulin.  Karamihan ng kakulangan ay teknikal na nakabase sa laki ng pera magagamit sa produksyon. Pero mas di hamak naman na maganda ang kinalabasan ng pelikulang ito kaysa sa “Praybeyt Benjamin” at “No Other Woman” na siguradong may malaking laang-gugulin.  Subalit tulad ng isang liriko, nasa hindi pagkalubos o imperpeksyon ang kaubuang ganda ng tula. 

4/5
Nakakalungkot nga lamang na ang mga pelikulang tulad ng “Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa” ay nakikisingit lamang. Naipapalabas lamang tuwing alas onse ng gabi para hindi makasagabal sa patuloy ng pag-ani ng salapi ng mga ibang pelikulang patuloy na ini-inusulto ang katalinuhan ng Pilipino.  Iyan ang ironya. Ang isang napakayabong na pelikula ay nagmamalimos sa mga manonood.

Siguro nga, karapat-dapat lamang na puro kababawan lang ang ating mapapanood.  Sapagkat sa lipunang Pilipino, salapi ata ang motibasyon ng buhay, isama mo na ang sining. 

Ikaw, may kababawan ka ba? Ano ang pinanood mo ngayong linggo?  Gusto mo bang laging naiinsulto ang iyong pag-iisip?  Ako, ano ba pinanood ko bago “Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa?” Hmmm, ah! “No Other Woman” "In Time" at “Praybeyt Benjamin.”



NOTABLE FILM ESSAYS



For new film reviews, please visit our new home, Brun Magazine

No comments:

Post a Comment